Pagpapaliwanag ng Global Deterioration Scale (GDS) para sa dementia: Mga yugto ng dementia at kung anong dapat malaman ng mga tagapag-alaga
Kapag ang isang taong minamahal mo ay may dementia, ang isa sa pinakamahirap na bahagi ay ang hindi alam kung ano ang iyong nakikita - o kung nauunawaan mo nang tama ang mga palatandaan.
Mabibigyan ka ng mas detalyadong paglalarawan ng Global Deterioration Scale (GDS). Binuo para masubaybayan ang paghina ng pag-iisip sa lahat ng pitong natatanging yugto, natutulungan nito ang mga pamilya na maunawaan kung paano lumalala ang dementia, anu-anong mga pagbabago ang maaaring maganap at kung kailan maaaring naaangkop na magplano para sa karagdagang suporta.
Sa VITAS Healthcare, ginugol namin ang mahigit sa 40 taon para matulungan ang mga pamilya na tumpak na mapangasiwaan ang ganitong uri ng kawalan ng katiyakan - at naririto kami para matulungan kang gawin din iyon.
Mahahalagang punto
- Ang Global Deterioration Scale (GDS) ay isang pitong yugto na kagamitang binuo ni Barry Reisberg, MD, na tumutulong sa mga pamilya na maunawaan kung paano lumalala ang dementia at kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap.
- Ang GDS ay hindi isang diagnostic na pagsusuri - ginagamit ito pagkatapos na maisagawa ang isang diagnosis upang matulungan na maunawaan ng mga pangkat ng pangangalaga kung nasa aling yugto ng sakit ang isang mahal sa buhay.
- Unti-unting lumalala ang dementia, mula sa banayad na maagang pagbabago hanggang sa tumitinding paghihirap sa mga pang-araw-araw na gawain hanggang sa pinakamalubhang yugto na nangangailangan ng maghapo't magdamag na pangangalaga.
- Ang hospice care ay ang pinakamadalas na naaangkop na opsyon sa mga huling yugto ng dementia, at sinasaklaw ng Medicare hospice benefit ang mga halaga para sa mga eligible na pasyente.
- Dapat gamitin ng mga tagapag-alaga ang GDS bilang karaniwang gabay at malapit na makipagtulungan sa doctor ng kanilang mahal sa buhay para makabuo ng indibidwal na plano ng pangangalaga.
Sa artikulong ito:
- Ano ang Global Deterioration Scale?
- Ano ang sinusukat ng GDS para sa dementia?
- Papaano naoobserbahan ang paglala ng dementia sa Global Determination Scale
- Papaano ginagamit ang Global Determination Scale para sa pagpaplano ng pangangalaga
- Alamin ang higit pa tungkol sa mga pagpipilian sa pangangalaga ng dementia.
- Mga madalas itanong
Ano ang Global Deterioration Scale?
Ang Global Deterioration Scale (GDS) ay isang klinikal na kagamitang ginagamit para masukat ang paglala ng dementia, lalong-lalo na ang sakit na Alzheimer, sa lahat ng pitong yugto ng paghina ng pag-iisip. Kilala rin ito bilang ang Reisberg Scale na ipinangalan sa gumawa nito na si Barry Reisberg, MD, tinutulungan ng GDS ang mga doctor na masubaybayan kung paano lumalala ang sakit at tinutukoy ang naaangkop na antas ng suporta para sa bawat yugto.
Ang isa pang nauugnay na kagamitan na tinatawag naFunctional Assessment Staging Test (FAST) ay partikular na nakatuon sa mga pagbabago sa pagganap, partikular sa mga huling yugto ng sakit na Alzheimer. Makapagbibigay ito ng mas detalyadong pagtalakay kung paano nakaaapekto ang paghina ng kakayahang mag-isip ng iyong mahal sa buhay para asikasuhin ang mga pang-araw-araw na gawain.
Ano ang sinusukat ng Global Deterioration Scale para sa dementia?
Ang GDS ay hindi isang diagnostic na pagsusuri. Ito ay isang organisadong paraan ng pagtatasa na ginagamit para suriin ang paglala ng dementia sa isang pasyenteng na-diagnose na. Sa pamamagitan ng pagmamasid ng doktor kasama ang pagpunang ipinamamahagi ng pasyente at pamilya, tinitingnan ng mga manggagamot ang mga pagbabago sa ilang larangan ng kakayahang mag-isip at maging epektibo sa mga pang-araw-araw na gawain:
- Ipinakikita ng gampanin ng memorya kung gaano kahusay na napananatili ng iyong mahal sa buhay ang kapwa kamakailan at pangmatagalang impormasyon, gaya ng pag-alala ng isang kagaganap pa lamang na usapan o pagkilala ng isang pamilyar na pangalan.
- Ang kakayahang makalutas ng problema ay nagpapakita ng mga pagbabago sa pagpapasya, pangangatwiran, at paggawa ng desisyon na madalas na napapansin ng mga tagapag-alaga kapag ang isang mahal sa buhay ay nagsisimula nang mahirapan sa mga bayarin o sa pagpaplano sa sambahayan.
- Makikita sa mga pang-araw-araw na gawain kung gaano naaasikaso nang mag-isa ng iyong mahal sa buhay ang mga karaniwang gawain gaya ng pagbibihis, pagluluto at pamamahala ng pananalapi.
- Ipinakikita ng mga pagbabago sa pag-uugali at emosyon ang mga pagbabago sa pagkatao, kalagayan ng kalooban at pakikihalubilo sa lipunang madalas may paghina ng kakayahang mag-isip at maaari itong kasama sa pinakamahihirap na mga pagbabago na masasaksihan ng mga pamilya.
Kapag pinagama-sama, tumutulong ang mga larangang ito sa mga manggagamot na matasa ang paglala ng sakit at matukoy kung anong pangangalaga at suporta ang naaangkop.
Papaano naoobserbahan ang paglala ng dementia sa Global Determination Scale
Inilalarawan ng GDS ang dementia bilang isang unti-unting paglala, nagsisimula bago pa man magsilbing hadlang ang mga sintomas sa mga pang-araw-araw na pamumuhay at nagtatapos sa pinakamalulubhang yugto ng sakit. Kapag nauunawaan mo ang scale na ito, makatutulong ito sa iyo na maintindihan kung ano ang iyong nakikita at makapaghanda para sa mga susunod na mangyayari.
Ang mga unang yugto
Sa mga pinakaunang yugto, banayad ang mga pagbabago sa pag-iisip o talagang mismong wala. Maaaring malimutan ng iyong mahal sa buhay kung saan niya naiwanan ang kanyang mga susi o saglit na nalimutan ang isang pamilyar na pangalan, pero nananatili siyang may kakayahang mamuhay nang mag-isa. Sa panahon na mas nagiging napapansin ang mga pagbabago - mga paulit-ulit na pagtatanong, nahihirapang maisip ang tamang salita, nalilito sa mga lugar na hindi pamilyar - magsisimula nang maghanap ng mga kasagutan ang marami sa mga pamilya. Sa kadalasan ay nagaganap ito kapag natukoy na ang unang yugto ng sakit na Alzheimer.
Mga kalagitnaang yugto
Habang lumalala ang dementia sa mga gitnang yugto nito, nagigi nang mas malinaw na napapansin ang mga sintomas. Nagiging mas mahirap ang pamamahala ng pananalapi, pagpaplano ng mga karaniwang gawain at pag-alala sa mga kamakailan lang na pinag-usapan. Sa paglipas ng panahon, mangangailangan na siya ng direktang tulong sa mga pang-araw-araw na gawain, gaya ng pagpili ng mga damit, paliligo at pagbibihis at madalas na lumilipat ang tungkulin ng tagapag-alaga mula sa pagsuporta patungo sa aktibong pang-araw-araw na pag-aalaga.
Ang mga huling yugto
Sa mas malalang mga yugto, kasama ng malaking pagkawala ng alaala ang pangangailangan para sa ganap na personal care. Maaaring hindi na makakilala ng iyong mahal sa buhay ang pamilyar na mga miyembro ng pamilya. Madalas na nawawala ang pakikipag-usap at ang natitirang pinakamakabuluhang koneksyon ay ang paghawak, ang mga pamilyar na musika at ang pisikal na pagiging naroon ka.
Kung ang iyong mahal sa buhay ay nasa mga huling yugto ng dementia, malamang ay mas mabigat ang iyong kahirapang nararanasan kung ikukumpara sa kung ano ang nauunawaan ng mga tao. Sa kadalasan, ito ang panahon kung saan anghospice care ay nagiging ang pinaka-naaangkop na opsyon na maaaring magamit sa maghapo't magdamag upang masuportahan ka at ang iyong mahal sa buhay. Para sa mga eligible na pasyente, sinasaklaw ng Medicare hospice benefit ang mga gastusin, ibig sabihin nito ay hindi dapat magsilbing hadlang ang mga alalahanin sa pananalapi sa paghingi ng tulong.
Papaano ginagamit ang Global Determination Scale para sa pagpaplano ng pangangalaga
Makatutulong ang GDS para maunawaan ng mga pamilya kung ano ang mangyayari at makagagawa sila ng mga desisyong may tamang kaalaman habang lumalala ang dementia. Lubos na kapaki-pakinabang ito bilang pangkalahatang gabay, ngunit dahil magkakaiba ang karanasan ng bawat taong may dementia, laging dapat na magkasamang buuin ninyo ng doctor ng iyong mahal sa buhay ang mga plano ng pangangalaga batay sa kanyang partikular na mga pangangailangan at kalagayan.
Advance na care planning
Kung kaya ng iyong mahal sa buhay na sabihin ang kanyang mga ninanais sa ilang paraan, panahon na para idokumento ang mga ito. Mas madaling masusundan ang mga pag-uusap tungkol sa mga desisyon gaya ng kung aling pasilidad ng pangangalaga ang gagamitin, ang pagpapakain sa pamamagitan ng tubo o pag-resuscitate kapag pauna nang naipahayag ang mga ito sa isang dokumento. Kung hindi na maaaring maganap ang mga naturang pag-uusap, matutulungan ka ng mga manggagamot ng VITAS na marating ang mga desisyong ito nang may malasakit. Hindi mo dapat harapin nang mag-isa ang mga kaganapang tulad nito.
Suporta sa, at pamamahinga ng tagapag-alaga
Sa lahat ng ito, mahalaga rin ang iyong pansariling kapakanan. Kapag ikaw ang pangunahing tagapag-alaga, madaling unahin ang kapakanan ng iba kaysa sa iyong sarili - kaya mayroong respite care para mabigyan ka ng panahong makapagpahinga nang hindi iniiwanan ang iyong mahal sa buhay nang walang suporta. Sinasaklaw ang mga opsyon ng VITAS respite care sa ilalim ng Medicare hospice benefit, at ang ibig sabihin nito ay maaaring wala kang gastusing kailangang alalahanin para sa suportang ito.
Alamin ang higit pa tungkol sa mga pagpipilian sa pangangalaga ng dementia.
Kapag ang GDS score ng iyong mahal sa buhay ay nagpapahiwatig ng mas malubhang yugto ng dementia, lumilipat ang pagtuon patungo sa comfort, karangalan at isang plano na ipinakikita ang kung ano ang pinakamahalaga sa kanya. Ang mga manggagamot ng VITAS ay dalubhasa sa pagsusuri ng mga panuntunan ng pagiging karapat-dapat sa hospice, pagtalakay ng mga opsyon sa palliative care at pagbuo ng pinasadyang plano ng pangangalaga na binuo ayon sa mga pangangailangan ng iyong mahal sa buhay at mga layunin ng iyong pamilya. Makipag-ugnayan upang malaman ang higit pa kung paano makapagbibigay ng suporta ang VITAS sa iyong pamilya sa inyong paglalakbay sa mas malubhang yugto ng dementia.
Mga madalas itanong
Para saan ginagamit ang Global Deterioration Scale?
Ang Global Deterioration Scale (GDS) ay isang klinikal na balangkas na binuo ni by Barry Reisberg, MD, upang masuri ang paglala ng dementia, lalong-lalo na ang sakit na Alzheimer. Ginagamit ito ng mga doctor para maunawaan kung nasa anong kundisyon na ang pasyente sa paglala ng sakit at para mabigyan ng gabay ang mga pag-uusap tungkol sa naaangkop na pangangalaga. Hindi ito medikal na pagsusuri, sa halip ito ay isang kagamitan ng pagtatasang ginagagamit pagkatapos maisagawa ang diagnosis na dementia.
Paano naoobserbahan ang pagsulong ng dementia ayon sa Global Deterioration Scale?
Inilalarawan ng GDS ang dementia bilang isang unti-unting paglala sa lahat ng pitong yugto, mula sa walang kakulangan sa pag-iisip hanggang sa matinding pagbaba ng kakayahang mag-isip. Sa mga nauunang yugto, banayad ang mga pagbabago at nananatiling malaya ang pasyente sa karamihang gawain. Habang lumalala ang sakit, lalong humihirap ang mga pang-araw-araw na pagganap at dumarami ang mga pangangailangan sa pangangalaga, hanggang ang pinakamalalang yugto ay mangailangan ng maghapo't magdamag na suporta.
Sa anong punto sa paglala ng dementia naaangkop ang hospice care?
Kadalasang pinaka-naaangkop ang hospice care sa mga huling yugto ng dementia, kapag nangangailangan ang mahal sa buhay ng maghapo't magdamag na pangangalaga para sa lahat ng pangunahing kakayahan. Matutulungan ng mga doctor ng VITAS ang mga pamilya na matukoy kung natutugunan ng kanilang mahal sa buhay ang mga tuntunin sa pagiging karapat-dapat sa hospice at ipaliliwanag sa kanila kung papaano isinasagawa ang pangangalaga.
Ano ang kaibahan ng GDS sa FAST scale?
Sinusukat ng GDS ang pangkalahatang paghina ng pag-iisip sa lahat ng pitong yugto, habang ang Functional Assessment Staging Test (FAST) ay partikular na nakatuon sa mga gawaing pangkatawan at kung paano nagbabago ang mga ito ayon sa paglala ng dementia. Nagbibigay ang FAST scale ng mas detalyadong pagtingin sa mga araw-araw na pagganap, lalo na sa mga huling yugto ng sakit na Alzheimer, at madalas itong ginagamit kasama ng GDS.
Paano ginagamit ng mga tagapag-alaga ang GDS para makapagplano para sa pangangalaga ng dementia.
Magagamit ng mga tagapag-alaga ang GDS bilang pangkalahatang gabay para maunawaan kung saang yugto na ng paglala ng dementia kasalukuyang matatagpuan ang isang mahal sa buhay at upang makapaghanda para sa mga paparating na pangangailangan sa pangangalaga. Natutulungan ng scale ang mga pamilya na mas maagang makapagsimula ng pag-uusap tungkol sa mga kagustuhan sa pangangalaga, matukoy kung kailan maaaring nararapat ang karagdagang suporta gaya ng hospice at respite care at praktikal at emosyonal na makapaghanda para sa mga susunod na mangyayari.
Maaari bang gawin sa bahay ang Global Deterioration Scale na pagsusuri?
Ang GDS ay hindi isang pagsusuring naisasagawa ng sarili. Isa itong balangkas ng pagtatasa na ginagamit ng mga doktor batay sa mga klinikal na pagmamasid at pagpunang ipinamamahagi ng pasyente at pamilya. Bagama't maaaring magsanay ang mga tagapag-alaga sa mga yugto para mas maunawaan ang paglala ng kanilang mahal sa buhay, dapat na isagawa ng isang healthcare professional ang pormal na pagtatasa ng GDS.