Ang Sakit sa Puso at ang Family History Mo ng Sakit na Ito
Maaaring nasa kasaysayan ng pamilya ninyo ang heart disease, ngunit hindi kailangang ito ang kahantungan mo. Responsable tayong lahat sa kung gaano tayo kalusog at kung paano natin kinokontrol ang ating kalusugan: paano tayo kumakain, gaano tayo kumikilos, at paano ang reaksyon natin sa mga pagkabalisa at pag-aalala natin sa araw-araw.
Gayunpaman, hindi mo makokontrol ang lahat. Halimbawa, ang genetics ng pamilya ay pagkakataon lang; naipasa ng iyong lola ang peligro ng pagkakaroon ng heart disease, pero sa kanya mo rin nakuha ang iyong magandang ngipin o mahahabang pilikmata. Kung isa kang African American o Latino, ang iyong etnisidad ay isa pang peligro sa genetics sa kalusugan ng iyong puso.
Hindi mo mababago ang iyong genetics, ngunit maaari mong turuan ang iyong sarili at alamin kung papaano maaaring mabawasan ang mga kadahilanan ng panganib.
Ang Dapat Mong Malaman
Magsimula sa pamamagitan ng pagtatanong tungkol sa kalusugan, at sanhi ng pagkamatay ng iyong mga kapatid, magulang, at mga lolo at lola. Makinig sa mga termino tulad ng stroke, atake sa puso, heart disease, pagpalya ng puso, CHD, isang coronary, coronary heart disease, cardiovascular na sakit at mga nauugnay na kundisyon tulad ng mataas na presyon ng dugo, mataas na cholesterol at diabetes.
- Kung buhay pa sila, nalalampasan ba nila ang mga problema sa kalusugan?
- Kung namatay na sila, ano ang dahilan ng pagkamatay?
- Ano pang mga problema sa kalusugan ang mayroon sila?
- Para sa lahat ng miyembro ng pamilya, alamin kung ilang taon sila noong na-diagnose.
Hindi mo na kailangang manaliksik nang lampas pa sa iyong mga lolo at lola, ngunit kailangan mong kumuha ng tumpak na impormasyon, isulat, at ibahagi ito sa iyong healthcare provider.
Kontrolin ang Makokontrol Mo
Batay sa kasaysayan ng iyong pamilya, mababago mo ang mga salik sa kapaligiran na nagpapataas ng iyong pagkakataon ng pagkakaroon ng heart disease. Ang bahaging ito ay ganap na nasa iyong kontrol, at may direktang epekto sa mga peligro sa genetics na maaaring naipasa sa iyo. Puwede kang magbasa ng mga artikulo, dumalo sa isang cooking class, sumali sa gym, mag-schedule ng mga screening, o maging ganap na pisikal-lahat ay maiinam na hakbang.
Dahan-dahang magsagawa ng mga pagbabago; madaling mabigla kapag nangyayari na ang mga pagbabago. Tandaan: ang pagpapatupad ng mga malusog na gawi ay hindi isang prosesong makukuha mo ang lahat o wala kang makukuha. Kapag nagagawa mo na ang isang gawi, gawin naman ang susunod. Ang pinakamahalagang hakbang ay magpasyang gumawa ng pagbabago.
Ang Maliliit na Pagbabago ay Gumagawa ng Malaking Kaibahan:
Hayaan ang iyong sarili na "mandaya" kung minsan, ngunit maging masaya rin sa paggawa ng bagay para sa magandang kalusugan, magbawas ng timbang, mas makahinga nang maluwag, o para magkaroon ng mas magandang pakiramdam sa iyong sarili.
- Sa halip ng pag-order ng ng fries sa tanghalian, mag-order ng salad na may lite dressing.
- Piliin ang tubig sa halip na soda.
- Mag-brisk walk sa halip na manigarilyo.
- Iparating ang iyong mga emosyon sa iyong mga mahal sa buhay sa halip na bumaling sa pagkain para sa comfort.
Mga Isinasaalang-alang sa Pag-aalaga
Bilang tagapag-alaga, mayroon kang mga karagdagang salik sa kapaligiran na dapat isaalang-alang (at mga karagdagang responsibilidad para manatiling malusog). Maaaring kailanganin mong maglakad-lakad kasama ang iyong mahal sa buhay, isama ang kanyang mga pangangailangan sa diet sa iyong masustansyang pagluluto, at maghanap ng mga malulusog na paraan na malampasan ang stress, pagkabalisa, at pag-aalalang kasama ng pag-aalaga. Hindi mo ito kailangang gawing mag-isa; maraming impormasyong available para panatilihing malusog ang iyong puso. Magsimula sa website ng American Heart Association.
Tulad ng kasaysayan ng iyong pamilya, hindi mo na rin mababago ang iyong tungkulin bilang tagapag-alaga. Ikaw ang bahala sa pagbabago ng mga bagay na mababago mo.