Paano Gumamit ng Oxygen Tank
Kapag niresetahan ka ng oxygen ng iyong doctor, maaaring tinatanong mo ang iyong sarili, "Paano ba ginagamit ang portable oxygen cylinder?" Ang pag-intindi ng mga hakbang ay mahalaga sa pagtatatag ng regular na gawaing madaling tandaan. Ipinaliliwanag ng gabay na ito kung paano ligtas na gamitin ang iyong oxygen cylinder sa bahay.
Paano I-on ang Isang Oxygen Tank
Ang unang bagay na kinakailangang gawin sa paggamit ng iyong oxygen cylinder ay ang pagbuhay o pag-on nito.
- Gamitin ang cylinder wrench para mapihit ang valve ng oxygen cylinder nang hindi kukulangin sa isang kalahating pag-ikot na pakaliwa. Kung ang iyong cylinder ay may kasamang kakabit na toggle, maaari mong gamitin ito sa halip na ang ibinigay na wrench.
- Tingnan ang pressure gauge upang maberipika na mayroong sapat na oxygen sa tangke (humigit-kumulang na 2,000 psi ito, kapag puno).
- Isaayos ang pagdaloy ng litro sa pamamagitan ng paggamit ng dial sa regulator alinsunod sa iniresetang tagubilin ng iyong doctor.
Paano Gumamit ng Oxygen Tank sa Bahay
Ipaliliwanag ng hakbang na ito kung paano paganahin ang iyong oxygen cylinder.
- Ikabit ang tubo at mga nasal prong (cannula) sa oxygen regulator nipple ayon sa pangangailangan. Siguraduhing tingnan muna ito upang maberipika na ang tubo ay hindi baluktot o barado.
- Isaayos ang iyong mga nasal prong (cannula) upang masiguro ang isang kumportableng pagkakasuot.
- Itakda ang lakas ng pagdaloy ng oxygen sa setting na ibinigay sa iyo ng iyong doctor.
- Iwasan ang pagbabago sa lakas ng pagdaloy ng oxygen maliban na lamang kung inutusan na gawin ito ng iyong doctor.
- Ilagay ang mga nasal prong (cannula) sa iyong ilong at huminga nang normal.
- Kung hindi ka sigurado kung may dumadaloy ngang oxygen o wala, maaari mong masiguro ito sa pamamagitan ng paglagay ng mga nasal prong (cannula) sa isang baso na puno ng tubig. Kung may nakikita kang mga bulang lumalabas, ang ibig sabihin nito ay may oxygen na dumadaloy doon.
Paano I-off ang Isang Oxygen Tank
Ang huling hakbang kapag natapos mo nang gamitin ang iyong oxygen cylinder ay ang pagsara o pag-off nito. Lubos na mahalagang i-off ang iyong oxygen cylinder kapag natapos mo nang gamitin ito.
- Gamitin ang cylinder wrench o ang nakakabit na toggle upang mapihit nang pakanan ang valve ng cylinder hanggang sa kumpleto nang naka-off o nakasarado ito.
- Pihitin ang dial patungo sa "2 LPM Continuous" na posisyon, upang mabigyan ng pagkakataon na makalabas ang lahat ng mga natitirang oxygen mula sa regulator hanggang sa ang pressure gauge ng oxygen regulator ay nakatutok na sa zero.
Mga Pangkaligtasan na Payo sa Paggamit ng Oxygen Tank
Tandaan lamang na ang oxygen ay dapat na ligtas na asikasuhin, dahil kapag hindi ay maaaring makapagsimula ito ng sunog. Narito ang ilang payo kung paano ligtas na gamitin ang iyong oxygen tank:
- Kapag gumagamit o nag-iimbak ng oxygen, panatilihing nakalayo ang oxygen nang hindi kukulangin sa 10 talampakan ang layo mula sa mga bukas na apoy at iba pang mga pinanggagalingan ng init. Ang mga oxygen cylinder at tubo ay nangangailangan ng magkaparehong pagsasaalang-alang. Tandaan, ang mga may kuryenteng kagamitan na tulad ng mga toaster, space heater, hair dryer, electric blanket, at electric na mga pang-ahit ay may posibilidad na uminit nang sobra at maaaring kumislap kapag ginagamit. Huwag kailanmang maninigarilyo o payagan ang paninigarilyo sa paligid ng pinanggagalingan ng oxygen at ng tubo nito.
- Huwag gumamit ng maaaring madaling masunog na mga materyales kapag kalapit ng oxygen. Ang mga pang-spray sa buhok, aerosol spray, pintura, at mga pampanipis ng pintura ay lahat maaaring makapagdulot ng panganib. Kahit na ang ilan sa mga produktong may nilalamang petrolyo na tulad ng Vaseline at VapoRub ay maaaring makapagdulot ng panganib. Ang kislap ay maaaring mabilis na makapagpasiklab ng mga produktong ito, na siyang nagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng sunog at matinding pagkasunog ng anumang bahagi ng katawan.
- Panatilihing nakalagay sa mga lugar na may sapat na pagdaloy ng hangin ang mga oxygen cylinder at tubo dahil may posibilidad na maipon ang oxygen sa nakapaligid na hangin at manatili sa mga damit, pambalot ng kama, at kurtina. Huwag kailanman itatago ang mga oxygen cylinder sa isang saradong lugar na tulad ng mga aparador o sa ilalim ng kama.
- Protektahan ang iyong oxygen cylinder upang hindi ito masagi o maitumba.
- Itago ang oxygen tank nang patayo sa isang aprubadong lugar na mapag-iimbakan.
- Kung ang tangke ay bumagsak at nagsimulang gumawa ng sumisitsit na ingay, kaagad-agad itong isara o i-off. Kung nasira ang regulator at hindi mo ito mai-off, kaagad na umalis sa silid at sabihan ang departamento ng bumbero at ang kumpanya ng medikal na supply.
- Ingatan na huwag mapatid sa tubo.
- Isara ang oxygen kapag hindi mo ito ginagamit.
- Palaging sundin ang mga tagubilin sa iyo ng iyong kumpanya na nagbibigay ng supply.
Sa pamamagitan ng aming home medical equipment (HME) na mga pangkat, nagbibigay ang VITAS ng home medical equipment, kabilang ang mga oxygen cylinder, sa aming mga pasyente bilang bahagi ng Medicare hospice benefit. Nagbibigay din ang aming mga dedikadong miyembro ng team ng pagsasanay at suporta sa paggamit ng kagamitan.