Hindi Ka Nagdurusa sa Isang Pagkawala, Marami Kang Pagdurusang Nararanasan
Iba't ibang Pagkawala na Maaari Nating Maranasan
Kapag namatay ang isang taong mahal mo, bilang karagdagan sa pangunahing pagkawala ng mahal sa buhay, madalas na may pangalawang pagkawala kang tinitiis. Ang mga personal at panlipunang kapaligirang pagbabago, na madalas na nangangailangan ng mga bagong simula. Naiiwan ang taong naulila upang suriin ang nawala at natamo bilang resulta ng nangyari.
Ang sumusunod ay listahan ng iba't ibang pagkawalang maaaring maranasan ng isang tao pagkatapos ng pagkamatay ng isang mahal sa buhay.
- Pagkawala ng mahal sa buhay: Maraming tao ang nagkakamaling isipin na ito lang ang tanging pagkawala.
- Pagkawala ng sarili: Ito ang bahagi ng sarili na ibinigay sa isang taong nagmamahal. Sa pagkamatay, karaniwang nararamdaman ng isang taong naulila na ang bahaging ito ng kanilang buhay ay "tinanggal" sa kanila.
- Pagkawala ng pagkakakilanlan: Madalas, ang pagkakakilanlan ng isang tao ay nababatay sa tungkuling ginagampanan niya sa isang relasyon. Kapag ang isang tao ay nawala na, at hindi na ginagampanan ang isang tungkulin, kadalasang nawawala sa indibidwal ang pakiramdam ng pagiging buo.
- Pagkawala ng tiwala sa sarili: Karaniwang hindi sapat ang pakiramdam ng nagluluksang tao sa kanyang sarili. Maaari nilang maramdamang hindi naaangkop ang kanilang pagluluksa, o dapat ay ayos na ang pakiramdam nila, o dapat ay may ginawa sila para maiwasan sana ang pagkamatay.
- Pagkawala ng piniling paraan ng pamumuhay: Ang pagkamatay ng isang mahal sa buhay ay nagpupwersa sa isang taong magsimula ng bagong paraan ng pamumuhay. Halimbawa, ang isang naulilang asawa ay napupwersang maging muling mag-isa.
- Pagkawala ng seguridad: Karaniwang inilalarawan ng mga nangunguilang indibidwal ang kawalan ng kasiguraduhan sa kawalan ng kaalaman sa susunod na mangyayari o kung paano sila tutugon o magbibigay ng reaksyon. Nagbabago ang kanilang regular na gawain at kanilang realidad, kaya tumitindi ang kawalan ng seguridad.
- Pagkawala ng ligtas na pakiramdam: Sabi ng isang asawang naulila, "Para akong hinihipan ng malamig na hangin ng buhay nang wala ang aking minamahal. Nakakapanghina ang pakiramdam na ito."
- Pagkawala ng kilalang istraktura ng pamilya: Kaagad na binabago ng kamatayan ang komposisyon ng pamilya ng isang tao, at gumagawa ito ng isa pang antas ng pagsasaayos na dapat harapin.
- Pagkawala ng pamilyar na paraan ng pakikipag-ugnayan sa pamilya at mga kaibigan: Kadalasang hindi alam ng mga kapamilya at kaibigan kung paano tutugon sa lungkot, galit, takot, at iba pang emosyon ng taong naulila, kaya maaari silang umiwas o maging hindi kumportable kapag kasama sila.
- Pagkawala ng nakaraan: Maaaring maging nakasuporta at maunawain ang mga bagong kakilala at kaibigan, ngunit hindi sila naging bahagi ng nangyari sa taong naulila.
- Pagkawala ng hinaharap: Maaaring nakakatakot para sa isang taong naulila na pag-isipan ang mga sitwasyon sa hinaharap - na pag-isipan ang darating na taon, o buwan, o linggo na hindi kasama ang kanyang mahal sa buhay. May takot na anuman ang hinaharap, magiging kasing sakit ito ng kasalukuyang sandali.
- Pagkawala ng direksyon: Tulad ng pagkakasabi ng isang taong naulila, "Simula noong namatay ang aking asawa, parang wala na akong layunin sa buhay; parang walang halaga ang lahat."
- Pagkawala ng mga pangarap: Maraming taong naulila ang nalulungkot na hindi nila maisasakatuparan ang mga pangarap nila sa hinaharap.
- Pagkawala ng tiwala: Madalas na nararamdaman ng mga naulilang tao ang kawalan ng seguridad tungkol sa pagmamahal ng iba na kasinglalim ng isang malaking pagkawala. Maaari nilang katakutan ang sakit ng isa pang pagkawala. Maraming naulilang tao ang nagsasabing nahihirapan din silang pagkatiwalaan ulit ang kanilang sarili dahil sa matinding pakiramdam ng kawalan ng seguridad.
- Pagkawala ng pagbabahagi sa isang mahal sa buhay: Maraming naulilang tao ang nalulungkot dahil sa pagkawala ng palagi nilang kabahagi sa mga maliliit na bagay sa buhay. Nalulungkot sila sa pagkawala ng isang matalik na kaibigan, ng isang pinagkakatiwalaang tao. Madalas na iniuulat ng mga magulang na namatayan ng anak na may pakiramdam silang ipinagkait sa kanilang maranasan ang "mga taon ng paglaki."
- Pagkawala ng kakayahang magbigay-pansin: Ang buong pagkatao ng taong naulila ay talagang apektado ng pagkawala na nagiging napakahirap sa kanyang ituon ang kanyang pansin sa kahit anong bagay maliban sa mga pinakamahalagang bagay para mairaos ang araw.
- Pagkawala ng kakayahang makita ang mga pagpipilian: Dahil ang mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay na gawa ng pagkawala ay hindi niya pinili, maraming naulilang tao ang may subconscious na pakiramdam na wala silang kontrol sa kanilang buhay.
- Kawalan ng kakayahang magpasya: Dahil sa kawalan ng seguridad at kawalan ng tiwala sa sarili, maaaring makaranas ang taong naulila ng hirap sa pagpapasya. Maaari din silang malito dahil nakakatanggap sila ng iba't ibang payo mula sa iba.
- Pagkawala ng pagiging masiyahin: Kung minsan, nagiging mahirap maging masiyahin kapag pumanaw na ang isa sa pinakamahalagang tao sa buhay ng isang tao.
- Pagkawala ng kalusugan: Ang sunod-sunod na pangunguilang emosyonal at sikolohikal ay madalas na nagdudulot ng mga pisikal na problema tulad ng pagsusuka, sakit ng ulo dahil sa migraine, tensyon sa kalamnan, pananakit ng likod, atbp.
- Pagkawala ng panloob na kasiyahan at kaligayahan: Mahirap makaramdam ng kasiyahan at kaligayahan kapag pakiramdam mo ay nasira ang iyong buhay pagkatapos ng pagkawala ng isang mahalagang tao.
- Pagkawala ng pasensya sa sarili: Kadalasan, gusto ng mga naulilang tao na maibsan ang kanilang nararamdamang sakit; gusto nilang bumuti ang kanilang nararamdaman ngayon at maaaring maramdaman nilang kulang ang ginagawa nila kapag mas tumatagal ang pangungulila kumpara sa inaasahan.
Kung ikaw man ay nawalan ng asawa, magulang, o iba pang mahal sa buhay, malimit na mahirap ito para sa pamilya at mga kaibigan na maintindihan kung bakit napakatagal bago mawala ang panahon ng kalungkutan. Nais nating lahat na makita ang ating mga mahal sa buhay na maging masaya at "maipagpatuloy na mamuhay ng kanilang buhay." Mahalaga para sa pamilya't mga mahal sa buhay na malaman ang tungkol sa maraming antas ng pagkawala. Ang kaalamang ito ay maaaring makatulong sa mga nag-aalala sa mga taong naulila na mas maging matiyaga at maunawain.