​​​​​​​Developmental Stages ng Bata, ang Kanilang Konsepto at Reaksyon sa Kamatayan

Ang bawat bata ay magkakaiba sa kanilang pagkakaunawa sa kamatayan at pati na rin sa kanilang reaksyon sa pangungulila. Ang pang-unawang ito ay higit na naaapektuhan ng developmental level ng bata at ng kanyang edad. Ngunit maaaring magkaroon ng matinding overlap o pagsasanib sa mga age group dahil magkakaiba ang bilis ng pagsulong ng bawat bata mula sa isang developmental level papunta sa sunod na level.

Mula sa Pagiging Sanggol Hanggang sa Edad na 2 Taon

Konsepto ng Kamatayan

Ang mga sanggol ay walang kakayahang mental upang maunawaan ang konsepto na mahirap maunawaan tulad ni kamatayan. Ang kanilang isipan ay nakatuon sa kasalukuyan lamang. Kapag may namatay na isang mahalagang tao para sa kanila, nagiging kapansin-pansin sa mga maliliit na bata ang pagkawala at pagkahiwalay sa taong ito. Ang reaksyon nila ay nakatuon sa emosyon at kilos ng mga mahahalagang tao sa buhay nila at sa paghinto ng pag-aalaga ng mga taong ito sa kanila at sa pagbabago sa schedule. Kapag may naganap na biglaang pagbabago, lubos silang nababalisa.

Reaksyon sa Pangungulila

Maaaring hanapin ng mga maliliit pang bata ang taong namatay at maaaring maging balisa sila dahil sa pagkakahiwalay nila sa taong ito. Ang mga karaniwan nilang reaksyon ay: pagkairita at pag-ayaw sa mga bagay, laging umiiyak, pagbabago sa pagtulog at pagkain, hindi masigla at pamamayat.

Preschool Age (2-4)

Konsepto ng Kamatayan

"Kailan uuwi si mommy sa bahay?"

"Paano kumakain o humihinga (ang taong namatay)"?

Hindi nauunawaan ng mga batang pre-school o hindi pa pumapasok sa school ang konsepto ng "walang hangganan" o "forever." Para sa mga bata sa age group na ito, ang kamatayan ay pansamantala lang at maaaring baligtarin ang nangyari. Halimbawa, kahit pa sabihin sa preschooler na hindi na babalik si Mommy, pagkatapos lang ng isang oras, tatanungin niya ulit, "Nasaan si Mommy?" Kadalasan, hindi naiisip ng mga preschooler na ang kamatayan ay isang bagay na hiwalay sa buhay, at hindi rin nila naiisip na maaari itong mangyari sa kanila. Gustung-gusto ng mga preschool children na maglaro ng "taguan" kung saan ang mga taong matatanda ay mawawala at pagkatapos ay lalabas ulit. Sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng laro, dahan-dahan nilang nauunawaan ang konsepto ng "nawala na nang tuluyan."

Reaksyon sa Pangungulila

At dahil kadalasang nakatuon ang mga preschoolers sa kasalukuyan, ang reaksyon nila sa pangungulila ay maaaring hindi magtagal bagama't matindi ang reaksyong ito. Sa developmental stage na ito, nagsisimula ng matuto ang mga bata na magtiwala at maging malapit sa iba. Kapag namatay ang isang tao na mahalaga sa kanila, maaaring mag-alala silang masyado sa pagkakahiwalay nila sa taong ito at sa pagbabago ng paraan ng pag-aalaga sa kanila. Karaniwan, matindi ang pagkabalisang nararanasan nila dahil sa pagkahiwalay nila sa taong ito at ayaw nilang tanggapin ito dahil wala pa silang kakayahan na gamitin ang kanilang isip upang magkaroon sila ng kontrol sa mga nangyayari.¹

Naaapektuhan din sila ng reaksyong emosyonal ng mga matatanda sa kanilang buhay. Kapag nararamdaman nila na nag-aalala o nalulungkot ang kanilang mga magulang, maaari silang umiyak o kaya maging maligalig. Ito ay maaaring dahil nag-aalala sila o kaya naman ay paraan nila upang malihis ang kanilang magulang sa nararamdaman nila. Ang mga karaniwang reaksyon ng mga preschool children sa pangungulila ay ang pagkalito, pagkakaroon ng nakakatakot na panaginip at pagiging maligalig sa gabi, regressive behavior tulad ng pagiging mapaghabol, pag-ihi sa kama, thumb sucking o pag-sipsip sa kanilang daliri, sobrang pag-iyak, pag-a-alboroto at pag-iwas sa ibang tao. Maaari ring pilit nilang hanapin ang taong namatay kahit pa ipaliwanag sa kanila na hindi na babalik ang taong ito o kaya naman ay nagiging balisa sa harap ng taong hindi nila kilala.

Early Childhood (4-7)

Konsepto ng Kamatayan

"Kasalanan ko ito. Galit na galit ako sa mommy ko at sabi ko sa kanya sana mamatay na lang siya, at pagkatapos, ngayon patay siya."

"Ang roadrunner sa cartoon laging nabubuhay ulit, kaya alam ko, mabubuhay ulit si Daddy."

Katulad ng mga batang preschool, naniniwala rin ang mga bata sa age group na ito na ang kamatayan ay pansamantala lang at maaaring baligtarin ang nangyari. Kung minsan, iniisip nila na sila ang dahilan sa pagkamatay ng isang tao dahil naniniwala sila na ang negative o pangit na iniisip nila o nararamdaman sa taong namatay ang dahilan kung bakit ito namatay. Ang "mahiwagang pag-iisip" na ito ay mula sa kanilang paniniwala na ang lahat sa kanilang paligid ay nakatuon sa kanila at maaari nilang makontrol ang mga nangyayari. Kahit nalalantad ang mga bata sa edad na ito sa ideya ng kamatayan sa pamamagitan ng media o sa paaralan, maaari pa rin silang maniwala na maaari nating iwasan ang kamatayan kung sapat ang pag-iingat natin.

Maaari ring iugnay ng mga bata sa edad na ito ang mga pangyayari na wala namang kinalaman sa isa't isa. Kung halimbawang bumili ang bata ng partikular na laruan sa araw na namatay ang kapatid niyang babae, maaari niyang isipin na ang laruan ang dahilan ng pagkamatay ng kapatid niya, lalo na kapag hindi malinaw na naipaliwanag sa kanya ang dahilan ng pagkamatay nito.

Reaksyon sa Pangungulila

Katulad ng mga batang preschool, maaaring patuloy na hanapin ng mga bata sa edad na ito ang taong namatay o tanungin kung saan ito pumunta. Karaniwan rin paulit-ulit silang magtanong kung paano namamatay ang tao. "Ano ang mangyayari kapag namatay ka?" "Paano kumakain ang mga taong patay na?" Kadalasang ipinapakita nila ang kanilang pangungulila sa pamamagitan ng laro at hindi sa pamamagitan ng salita. Maaaring isama nila ang tema ng pagkawala ng miyembro ng pamilya at kamatayan kapag naglalaro sila ng manika o action figures. Maaaring magkunwari sila na namatay ang mga ito o kaya ay ibinuburol ang mga ito.²

Kung minsan, mukhang hindi naaapektuhan ang mga bata sa edad na ito ng kamatayan at kumikilos sila na para bang walang anumang nangyari, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi nila alam kung ano ang nangyari O kaya naman ay tanggap nila ang pagkamatay ng mahal nila sa buhay. Maaaring ito ay nagpapahiwatig ng kawalan nila ng kakayahan na tanggapin ang masakit na katotohanan. Maaaring gayahin nila ang paraan ng pangungulila ng mga matatanda na nakikita niya na hindi alam kung paano ipakita ang kanilang nararamdaman. Ang iba pang karaniwang reaksyon ay pagkagalit, pagkalungkot, pagkalito at hindi makakain o makatulog.

Katulad ng mga batang preschool, ang mga bata sa age group na ito ay maaari ring mag-regress o umakto bilang mas maliit na bata upang makatanggap ng mas maraming pagmamahal at atensyon sa panahong ito. Ang mga batang nakaranas na mawalan ng mahal sa buhay sa edad na ito ay maaaring maging laging takot at mag-alala na maaari ring mawala ang iba niyang mahal sa buhay. Kung minsan, nagiging malapit din sila sa mga taong may pagkakahawig sa taong pumanaw.

Middle Years (7-10)

Konsepto ng Kamatayan

"Patuloy bang hahaba ang iyong kuko at buhok kapag patay ka na?"

"Mamamatay ba ako kung magsisigarilyo ako?"

Sa age group na ito, maaaring isipin nila na ang kamatayan ay reversible o maaaring mabuhay ulit ang taong namatay na, ngunit nagsisimula na nilang makita na ito ay katapusan ng buhay at universal o nangyayari sa lahat. Kung minsan, nakikita ng mga bata sa age group na ito ang kamatayan bilang isang bagay na nahahawakan o nakikita katulad ng multo o aswang.³ Gustung-gusto nilang malaman ang mga detalye tungkol sa kamatayan, cremation at paglilibing at maaaring magtanong sila ng mga diretsahang tanong.

At kahit na alam nila na ang kamatayan ay maaaring mangyari sa sinuman at napakaraming bagay na maaaring maging sanhi ng kamatayan, karaniwan pa rin na patuloy nilang isipin na hindi ito mangyayari sa kanila o sa pamilya nila. Maaaring maniwala sila na tanging ang mga matatandang tao lang o kaya naman ay iyong mga may malubhang sakit lang ang maaaring mamatay, o kaya naman ay maaari nilang matakasan ang kamatayan sa pamamagitan ng kanyang lakas at pagsisikap. Maaari rin nilang paniwalaan na ang kamatayan ay isang parusa, lalo kung wala pa silang siyam na taon. Kung minsan, hindi nila maunawaan kung panno makakaapekto sa buhay nila ang kamatayan, at ito ay maaaring maging dahilan ng pagkabalisa.

Reaksyon sa Pangungulila

Ang mga bata sa edad na ito ay kadalasang nag-aalala kung paano umaakto o kumikilos ang ibang tao bilang reaksyon sa kamatayan sa pamamagitan ng pag-focus sa iba sa halip sa sarili nila. Maaari ring mag-alala sila na mamatay rin ang ibang mahal nila sa buhay. Maaaring mag-alala rin sila sa kanilang sariling kalusugan o kaya naman ay matakot na masaktan ang katawan at matakot rin sa kamatayan.

Maaari ring ipakita ng ibang bata sa age group na ito ang kanilang galit at kalungkutan o maaari ring hindi sila makapag-concentrate sa school. Gayunpaman, ang iba naman ay maaaring gawing biro o kaya naman ay walang pakialam o reaksyon sa kamatayan, o maaari ring itago nila ang kanilang tunay na nararamdaman. Ang iba pang karaniwang reaksyon sa kamatayan ay ang pagiging shock, hindi pagtanggap sa nangyari, depresyon, pagbabago sa mga ugali sa pagkain at pagtulog, at regression o pagbalik sa mas naunang developmental stage o pag-akto nang mas bata sa tunay nilang edad.

Maaaring magkaroon ang age group na ito ng coping strategies o paraan upang makayanan ang mahirap na sitwasyon na dinaranas nila, kumpara sa mga mas maliliit na bata, at maaaring isipin nila ang mga paraan kung paano nila maaaring maiwasan ang kamatayan bilang paraan upang magkaroon sila ng kontrol sa sitwasyon. Maaaring ipakita ng ibang mga bata ito, lalo na 'yung mga bata na nahihirapan na ipakita ang kanilang nararamdaman sa pamamagitan ng salita, sa pamamagitan ng pagkukunwarian at paglalaro ng digmaan o iba pang gawain.

Maaari ring gayahin ng mga bata sa age group na ito ang role o papel o kaya naman ay ang mga gawi ng taong namatay o gawin ang mga bagay na dating ginagawa o papel na dating ginagampanan ng namatay, katulad ng pag-aalaga sa kanilang mga kapatid. Maaaring gawin nilang huwaran ang taong namatay bilang paraan upang mapanatili ang bond o ugnayan nila.

Pre-Adolescent (10-12)

Konsepto ng Kamatayan

"Walang sinuman sa mga kaibigan ko ang makakaintindi kung paano mawalan ng isang ama."

"Alam ko na hindi babalik si Lola at mami-miss ko siya." Hindi ko maintindihan kung bakit sobrang nababahala ang mommy ko dito."

Ang ideya ng kamatayan para sa mga pre-adolescent na bata ay katulad ng mga bata na nasa middle years stage, maliban sa ilang karagdagang ideya. Ang pre-adolescent stage sa mga bata ang panahon kung kailan nabubuo nila ang kanilang sariling identity o pagkakakilanlan, nagiging mas independent o hindi na masyadong umaasa sa kanilang mga magulang at ibang matatandang tao, at nagiging mas close sa kanilang mga kaibigan. Upang maunawaan ang kamatayan, sinusubukan ng mga pre-adolescents ang mga biological AT emotional process ng kamatayan. Gayunpaman, mas nauunawaan nila ang mga impormasyon ukol sa pagkamatay ng isang tao kumpara sa mga nararamdaman at reaksyon sa pagkamatay nito.4

Reaksyon sa Pangungulila

Karaniwan para sa mga pre-adolescents na itago ang kanilang mga emosyon at nararamdaman upang hindi magmukhang "kakaiba" sa grupo ng kanilang mga kaibigan. Natatakot sila na ang pagpapakita ng kalungkutan ay maaaring makita bilang palatandaan ng pagiging mahina (lalo sa mga lalaki). Dahil dito, maaaring makita sila na parang hindi naaapektuhan at walang pakialam.

Maaari ring ipakita nila ang kanilang pangungulila sa paraang hindi pangkaraniwan katulad ng biglaan na nagiging galit, naiirita at pagkilos at pag-uugali ng pagiging bully. Maaari rin silang magkaroon ng mga pisikal na palatandaan, nagiging masumpungin, nagbabago ang habit sa pagtulog at pagkain, walang pakialam sa mga gawain sa school, o nilalayuan nila ang kanilang mga kaibigan.

Maaari ring mag-alala sila sa mga problemang hatid ng pagkamatay ng isang tao, katulad kung paano mabubuhay ang pamilya ngayong wala na ang miyembro nito o kung paano sila maaalagaan ng natitirang miyembro ng pamilya. Maaari ring magkaroon sila ng mga tanong ukol sa mga religious at cultural beliefs ukol sa kamatayan.

¹Atle Dyregrov, Grief in Children: A Handbook for Adults (London: Jessica Kingsley Publishers, 1990), p.43.

²Wiliam C. Kroen. Ph.D., LMHC, Helping Children Cope with the Loss of a Loved One (Minneapolis: Free Spirit Publishing Inc.), p.41.

³Helen Fitzgerald, The Grieving Child (New York: Simon & Schuster, 1992), p.56.

4Theresa Huntley, Helping Children Grieve (Augsburg: Augsburg Fortress, 1991), p. 17

Alamin kung maaaring makatulong ang hospice care sa iyong minamahal sa buhay

MGA CLINICIAN: MAG-SIGN UP PARA SA AMING MGA EMAIL

Sumali sa aming email list para sa mga webinar, mga balita tungkol sa hospice care at higit pa.