Pag-aalaga sa Tagapag-alaga
Kapag nagkakasakit o nagiging mahina na ang isang tao, kadalasan, ang kanyang kapamilya ang nag-aalaga sa kanya. Sa katunayan, bawat taon, mahigit 43.5 milyong mga Amerikano ang nag-aalaga sa kanilang kamag-anak o kaibigan na may malubhang sakit, may kapansanan o kaya naman ay matanda na.
Ang pagiging primary caregiver o pangunahing tagapag-alaga ay isa sa mga gawain na nagpapakita ng matinding pagmamahal ng isang tao para sa isa pang tao. Ngunit, isa rin itong gawain na maaaring mangailangan ng matinding pisikal at emosyonal na trabaho.
Sa gayon, sino ang nag-aalaga sa tagapag-alaga o caregiver? Kadalasan, isinasantabi ng mga tagapag-alaga ang kanilang sariling pangangailangan upang makapag-focus sila sa pangangailangan ng iba. Dahil dito, maaaring magkaroon ang tagapag-alaga o caregiver ng mga senyales ng problemang pisikal at emosyonal dahil sa burnout o sobrang pagkapagod at stress.
7 Mga Tip Upang Maiwasan ang Sobrang Pagkapagod ng Tagapag-alaga
- Tumanggap ng tulong mula sa pamilya. Maaaring maayos ng pamily ang schedule ng bawat isa upang magkaroon ka ng regular na break o pahinga.
- Humingi ng tulong sa mga kaibigan. Natatandaan mo ang mga taong laging nagsasabi sa iyo na, "Kung may kailangan ka, sabihin mo lang sa akin"? Ipaalam mo sa kanila na kailangan mo ang tulong nila at tanggapin ang kanilang tulong. Gumawa ng listahan ng mga bagay na dapat isagawa- pag-grocery, paglalaba, maintenance ng lawn o bakuran, paglilinis ng bahay o paglalaan ng oras sa iyong mahal sa buhay-at i-post ito sa refrigerator. Kapag tinanong ka nila kung ano ang maaari nilang gawin para sa iyo, ipakita mo sa kanila ang listahang ginawa mo.
- Siguraduhing magkaroon ng regular na pahinga. Kahit na 15 o 20 minuto lang bawat araw, siguraduhin mo na may ginagawa ka para sa sarili mo.
- Mag-exercise. Kahit na 20-minute walk lang sa labas o kaya ay yoga class, ang pag-eehersisyo ay isang mainam na paraan upang mabawasan ang stress at palakasin ang iyong energy.
- Kumain ng masustansiyang pagkain. Ang iyong kalusugan at nutrisyon ay kasing-halaga ng kalusugan at nutrisyon ng iyong mahal sa buhay na inaalagaan, kaya maglaan ng oras upang kumain nang maayos.
- Dumalo sa isang support group para sa mga tagapag-alaga. Maaaring meron nito sa iyong local hospice, sa ospital o senior service.
- Humingi ng propesyonal na tulong. Maraming mga tagapag-alaga ang nalulungkot, nababalisa, nagi-guilty, nagagalit, natatakot, nalilito o napapagod. Kapag sobrang matindi na ang mga nararamdaman mong ito, tawagan ang iyong doktor, hospice o iba pang community resource upang humingi ng tulong.