Pagluluksa Bago Ang Kamatayan
Narito kung Paano Tukuyin at Malampasan ang Pagluluksa Bago ang Kamatayan
Ang mga pasyente at pamilya na nahaharap sa karamdamang walang lunas ay karaniwang nagsisimula sa proseso ng pangungulila bago mangyari ang aktwal na pagkawala. Ito ay tinatawag na "pagluluksa bago ang kamatayan." Bagama't mabigat ito sa pakiramdam, kung minsan ay nakakatulong ang pagluluksa bago ang kamatayan at maaari itong magresulta sa mas kaunting kumplikasyon sa pagkamatay kapag lumaon. Tulad ng pagdanas ng bawat tao ng pangungulila sa kanyang sariling natatanging paraan, gayundin ang nangyayari sa pagluluksa bago ang kamatayan. Isa itong natural na prosesong nakakatulong sa mga indibidwal na maghanda para sa emosyonal at pisikal na paghihiwalay. Panahon din ito para sa pasyente at pamilya na makapaghanda para sa pagbabago.
Mga Bagay na Isaalang-alang
Ang mga emosyonal at pisikal na sintomas na nauugnay sa pangungulila ay maaaring nauugnay din sa pagluluksa bago ang pagkamatay. Maaari mong maranasan ang ilan sa sumusunod:
- Walang ganang kumain
- Tensyon at pagiging iritable
- Labis na pagod at insomnia
- Pagiging iyakin o hindi inaasahang pag-iyak
- Pagkabalisa
- Hindi makapagpasya sa gagawin
- Paninisi sa sarili o galit
- Pagbabago sa mood dahil sa maliliit na bagay
Madalas, nakakaranas din ang mga pasyente ng pagluluksa bago ang kamatayan. Gusto ng ilan na "ayusin ang lahat ng bagay na mahalaga sa kanila" para mapagbigyan ang kanilang mga kahilingan. Kung minsan, tinatawag itong pagtupad sa "hindi natapos na layunin."
Maaaring inaalala ng iba kung paano malalampasan ng kanilang mga mahal sa buhay ang kanilang pagkawala. Halimbawa, maaaring gustuhin ng pasyenteng malapit nang mamatay na ang kanyang mahal sa buhay ay matututo ng mga praktikal na kasanayan sa buhay, tulad ng pagbabalanse ng checkbook o pagluluto.
Maaaring gustuhin din ng pasyenteng ilahad ang pangangailangang emosyonal na bumitaw sa iba. Maaaring makapansin ang mga tagapag-alaga ng gawing "pagdidistansya," tulad ng hindi masyadong pakikipag-usap ng pasyente, pagkawala ng interes sa mga aktibidad na mahalaga sa kanya, at pagtanggi sa pagbisita ng mga malapit na kaibigan at pamilya.
Anong Kailangang Gawin
- Makipag-ugnayan sa mga tao at grupo na makakapag-alok sa iyo ng suporta at tulong.
- Humingi ng tulong sa pamamagitan ng pagpapayo ng therapist, minister, pari, o rabbi.
- Paalalahanan ang sarili na kailangan ng sapat ng panahon ng bawat isa para magluksa.
- Gamitin ang mga espiritwal na paniniwala na nagbibigay sa iyo ng kaginhawaan at kaluwagan.
- Ipahayag ang iyong sarili sa pamamagitan ng sining, pagtula, musika, pagsusulat, o paghahardin.
- Magbalik-tanaw sa buhay sa pamamagitan ng mga larawan, musika, pakikipag-usap, at pagsusulat.
- Alamin ang mga isyu at alalahanin, na mahalagang matugunan bago ang pagkamatay.
- Makipag-usap tungkol sa iyong mga nararamdaman.
- Tugunan ang mga isyu hinggil sa legal/pinansyal/pagpapalibing ayon sa naaangkop.
- Talakayin ang mga plano sa hinaharap ayon sa naaangkop.
- Tukuyin kung makakatotohanan ang iyong mga inaasahan.