Mga Alituntunin para sa Mga Bata na Dumadalo sa Mga Paglilibing at Memorial Service
Dapat bang dumalo sa paglilibing ang mga bata? Kapag namatay ang isang tao, ang mga matatanda ay kinakailangang gumawa ng mahirap na desisyon kung ang mga bata ay dapat dumalo o sumali sa mga paglilibing at sa mga memorial service.
Maraming dapat isaalang-alang na kadahilanan, kasama ang edad, maturity, at kakayahan ng bata na maunawaan ang mga pangunahing konsepto tungkol sa kamatayan, pagkamatay, at pagkawala. Makakatulong ang mga patnubay na ito tungkol sa mga bata at mga paglilibing:
Handa na Ba ang Bata?
Bilang isang pangkalahatang gabay, ang mga bata ay dapat payagang dumalo sa paglalamay at paglilibing kung ito ang kanilang kagustuhan. Maaari rin silang makasali sa pagpaplano ng paglilibing. Sa kanilang pagsali sa mga miyembro ng pamilya sa mga seremonya na ito, nabibigyan ang bata ng pagkakataon na makatanggap ng suporta sa kanilang pangungulila mula sa iba at makapag-paalam sa kanilang sariling pamamaraan sa taong namatay.
Ang mga bata ay hindi kailanman dapat pilitin na dumalo sa isang paglilibing o memorial service. Gayunpaman, mahalaga na maintindihan ang mga dahilan ng bata kung bakit ayaw nilang dumalo upang ang kanilang mga kinatatakutan o mga tanong ay masagot. Ang mga tanong ay maaaring tulad ng: "Ano ang bagay na pinaka-kinatatakutan mo tungkol sa paglilibing?" "Ano sa tingin mo ang iyong magiging pakiramdam kung ikaw ay dumalo sa memorial service?" "Mayroon ka bang mga tanong tungkol sa kung ano ang mga mangyayari doon?"
Ipaghanda ang mga Bata
Parating ihanda ang mga bata sa kung anong mangyayari. Pawiin ang kanilang pagkabahala sa pamamagitan ng pagsasalarawan ng bawat yugto ng pamamaraan ng paglilibing (kung ano ang kanilang makikita, kung ano ang maaaring maging reaksyon ng mga tao, kung ano ang kanilang maaaring maramdaman). Mahalaga na ipaalala sa bata na ang pag-iyak o hindi pag-iyak ay parehong OK. Maaaring kinakailangan ng karagdagang atensyon at pag-aalaga mula sa mga matatanda upang hindi pakiramdam ng mga bata na sila'y nakalimutan o hindi pinapansin. Makakatulong rin na gumawa ng plano na may kasaling isang pinagkakatiwalaang matanda para ang bata ay makaalis nang maaga sa paglilibing o memorial service kung kanilang ninanais ito.
Bigyan ang mga Bata ng Pagkakataon na Makapili
Ang mga bata ay HINDI KAILANMAN dapat pilitin na tingnan o hipuin ang katawan ng isang tao na namatay. Kailangan silang mabigyan ng pagkakataon na gumawa ng desisyon na siyang pararangalan. Kung titingnan nila ang katawan, makakatulong na ipaalala sa kanila na ang kamatayan ay pangwakas at isalarawan nang maaga pa kung ano ang maaaring maging itsura ng katawan. Ang pagpapaliwanag ay maaaring ganito: "Si Sally ay nakahiga sa isang kahoy na kahon na tinatawag na kabaong. Maaaring magmukha na siya ay natutulog, pero hindi siya tulog. Siya ay patay na. Ang kanyang dibdib ay hindi tataas at bababa dahil hindi na siya humihinga. Kapag hinipo mo siya, ang kanyang pakiramdam ay malamig at matigas."
Para sa ibang mga bata, ang paghipo ng katawan ay maaaring makatulong sa mga mausisa, o kaya magsilbi bilang isang pagpapaalam o isang pagpapahayag ng kanilang pagmamahal. Minsan ay kailangan ngang hipuin o makita ng bata ang katawan para malaman na totoo nga ang kamatayan. Kung pinili ng bata na huwag gawin ito, maaaring mahinahon na kumpirmahin sa bata na ang kanilang minamahal ay mukhang mapayapa o maayos ang kalagayan.
Maaaring tanungin ang mga bata kung mayroon silang anumang bagay na ninanais mailibing na kasama ng kanilang minamahal. Malimit na nakakatulong para sa isang bata na maglagay ng maliit na regalo, isang bagay na pang-alaala, isang drawing, liham o litrato ng kanilang sarili sa kabaong.
Pagpapaliwanag ng Paglilibing at Cremation sa Isang Bata
Kung kabilang sa mga plano ang paglilibing, makakatulong na ipaliwanag sa bata nang buong detalye kung ano ang ibig sabihin nito. Ang mga bata na naiintindihan kung ano ang ibig sabihin ng paglilibing ay mas mababa ang posibilidad ng gumawa ng mga imahinasyon tungkol sa kung saan ang huling hantungan ng kanilang minamahal. Ang pagpapaliwanag ay maaaring ganito:" Ang kabaong ay matibay na isasara at pagkatapos ay dadalhin sa sementeryo, na kung saan ang mga taong namatay ay nakalibing sa lupa" o "Ang mga abo ay ilalagay sa isang espesyal na lugar sa isang gusali na tinatawag na mausoleum. Maaari tayong bumisita sa anumang panahon na gusto natin."
Minsan ay mahirap maintindihan ng isang bata ang cremation. Ipaalala sa bata na ang taong namatay ay hindi na nakakaramdam ng anumang pakiramdam, at hindi na sila makararanas ng pananakit. Kung nais ng bata na makita ang katawan bago ito ma-cremate, ang karamihan sa mga punerarya ay maaaring magawa ito. Kapag ipinapaliwanag ang cremation sa isang bata, maaaring makatulong na sabihing: "Nangyayari ang cremation sa isang lugar na tinatawag na crematory. Gumagamit sila ng init para baguhin ang katawan at gawin itong mga abo. Ang mga abo na ito ay karaniwang inilalagay sa isang espesyal na kahon at ang pamilya ang gumagawa ng desisyon kung ano ang kanilang nais gawin sa mga abo."